DEAR 2009,
Hindi ko alam kung paano ko sisimulan ang sulat na ito, at kung paanong idadaan sa panulat ang aking mga saloobin, matapos ang tatlongdaan at animnapu't limang araw na nakasama kita, nakapiling, at nakaniigan.
Marami kang naidulot sa aking murang kaisipan, sa aking mahinang pangangatawan, sa aking pusong mamon. Marami kang itinuro sa akin: ang maging matatag sa gitna ng pagsubok, ang tumakbo sa oras na kailangang tumakbo, ang magising sa realidad na hindi na ako isang bata-batuta at kailangang ko nang harapin ang mga bagay na inihanda para sa akin,... kahit na hindi pa ako ganoong ka-preparado.
Dinala mo ako sa mundo ng responsibilidad at kamangmangan, sa kaharian ng pagkamakasarili at kababaang-loob, sa dagat ng mga problema at tagumpay, sa basurahan at sa restaurant (kahit na hindi ko alam kung ano ang talagang kahulugan nun...?)
Binigyan mo ako ng mga makakasama, mga kaibigan at kaaway, mga tapat at taksil, mga taong tanggap ako at mga taong usisero na walang magawa kundi saktan ako nang patalikod.
Lahat ng iyun, upang ituro sa akin ang tatlong bagay...
Na mahina ako kung mag-isa; na hindi ko kakayanin ang lahat nang mag-isa; at mali ang sinasabing kaya ko kung sa totoo lang ay hindi pala.
Sa lahat na ito, taong 2009, ay isa lang ang aking masasabi...
SALAMAT!
Salamat sa lahat ng mga karanasang ibinigay mo sa akin, mabuti man o masama, nakakatawa man o nakakahiya. Salamat sa pagbibigay ng pagkakataong ipakilala ang sarili sa mundong balukyot, na kung minsan ay mapunahin sa lahat ng aking mga ginagawa. Salamat, sapagkat minsan sa buhay ko, nagkaroon ako ng puwang upang isigaw ang aking kakayahan, na kaya ko, na kakayanin ko, na nagmamahal ako, na ako'y umiiyak rin tulad ng mga panahong ako'y tumatawa, na kailangan ko ring umalma kung kailangan. Salamat rin dahil minsan sa buhay ko, natuto akong tumayo sa sarili kong paa, at binigyan mo ako ng dahilan upang gawin ito, lalo na sa mga panahong walang kayang gumawa at tanging ako lamang ang kayang gumawa ng bagay na iyon.
Sa lahat ng ito at sa marami pa, SALAMAT 2009, SALAMAT! Iingatan ko sa aking alaala ang lahat ng ating mga napagsamahan.
At ngayong paparating na ang iyong kapatid na si 2010, dalangin ko na mas lalo pa akong magkaroon ng pagkakataon na patunayang minsan sa buhay ko, ay nakayanan kong sumigaw, na ipahayag ang aking kakayahan at saloobin, at minsan sa buhay ng mundo, may Bitoy na umiral, at nagsabi sa mundo na...
"YARI KA!!!!!"
"Holiness is very Possible...."
"Magaling! Ituloy mo lang yan..."
"Taray mo!!!"
at
"Salamat sa Diyos!"
Hanggang sa dakong paroon! Muli, Salamat!
Ang iyong nagmamahal na ka-lakbay,...
BiTOY :)
=============
The LORD bless you and keep you!
The LORD let his face shine upon
you, and be gracious to you!
The LORD look upon you kindly and
give you peace!
Numbers 6,24-26