Monday, January 31, 2011

LIT-tie Monday: Isang Apir Lang!

(As I celebrate my seventh year as a lay tomorrow, Feb. 01, let me share with you a little story on how it all started.)

For Jobert.

ISANG APIR LANG!
(January 25, 2011)

Aba, sino'ng makakapag-isip na sa isang apir lang magsisimula ang lahat?

Totoo ngang ang Diyos ay gumagawa ng mga paraan, malaki man o munti, para iparating ang kanyang naisin. Sa akin, dumating iyon sa pamamagitan ng isang apir. Pagkatapos nun, ay nakita ko na ang sarili ko na bahagi ng isa sa mga mabibigat na ministri sa aming parokya.


Ay! Hindi pa nga pala ako nagpapakilala. Ako si Russel. Seventeen years old. Isa akong sakristan sa aming parokya sa isang munting bayan dito sa Maynila. Kilala ako dito sa pagiging magaling 'daw' sa mga gawaing-simbahan, kahit noong bata pa daw ako. Sabi nga nila, ako daw ay nakatalaga upang maging pari pagdating ng takdang panahon.

Pero para sa akin, ay hindi ganito ang naging pananaw ko kung bakit ako pumasok sa mundo ng pagsa-sakristan. Para sa akin, dito ako masaya. Para sa akin, dito ko naipapahayag ang bagay na kung saan ako magaling. Dito ako masaya.

Pero kung tutuusin, nagsimula siya sa isang pambihira at biglaang pagkakataon. Ni ako nga ay palaging napapatawa kapag naaalala ko ito.

Isang araw, noong 13 years old pa lang ako, ay naglalakad ako sa daang pauwi sa bahay. Galing ako sa school noon. May nakasalubong akong isang lalaki na kasing-edaran ko lang. Tinignan niya ako noong nagkasalubong kami. takang-taka naman ako dahil di ko siya kilala, ngunit parang may pakay siya sa akin.

Nilapitan niya ako, inakbayan. Kinabahan ako, kasi baka holdaper ang lalaking iyun. Kaya nagpasya akong manahimik na lang muna.Pero ang susunod na mga pagkakataon ang magpapakilala sa kanya sa akin. Yun ang magiging turning point hindi lang sa buhay ko, kundi sa mga magiging pananaw ko pagdating sa mga bagay-bagay sa Simbahan.

Nilapitan nga niya ako at tinanong. "Boy! Nagsisimba ka ba kapag linggo?"

"Oo naman, bakit?"

"Baka gusto mong mag-sakristan. Sali ka sa amin?"

"Huh? Sakristan? Paano?"

"Basta! Punta ka ng simbahan sa Linggo, alas-onse ng umaga. Doon mo malalaman kung paano. Ano? Ayos lang ba?"

May pagtataka sa mukha, ay sumagot ako. "Ah... oo, sige."

"O, asahan kita ah." Kasabay nito, ay itinaas niya ang kamay niya upang makipag-apiran sa akin.

Kahit na may pag-aalangan, ay sinagot ko ang pag-apir niya.

At doon nagsimula ang lahat.

Dumating nga ang araw ng Linggo at pumunta ako sa Simbahan namin sa oras na sinabi niya. Pinakilala niya ako sa mga kasama niya, doon ko na rin siya nakilala, siya pala si Jerome, matagal nang sakristan sa parokya namin. Simple lang ang pamumuhay niya. Magaling siya sa kanyang mga moves pagdating sa service niya.

Siya ang naging best friend ko sa paglilingkod. Kung naging close ko silang lahat, siya ang naging super-close ko. Malay ko ba kung ano ang nagdikit sa aming dalawa upang maging ganoong magkasama. Nang dahil sa kanya, ay naging isa akong sakristan. Naging tunay na lingkod ako ng Panginoon sa Altar. Kaya nga siguro ganun-ganon na lang ang naging pagsasamahan namin.

Isang araw nga, habang nasa bahay kami at nagkakakwentuhan, ay napalalim ang usapan namin.

"Russel?"

"Hm?"

"Alam mo, isa ka sa mga naging close kong mga knights. Bakit? Kasi ikaw, kaya mong makibagay kahit na mahihirap lang kami at nasa middle-class ka. Pinatunayan mo na isa kang tapat na kaibigan. Isa ka ring lingkod ng Diyos."

"Salamat, kasi may mga taong tulad mo na handang tanggapin ako kahit na kung sino ako. Yun lang. Malamang kung di ka dumating sa buhay ko, baka kung anu-ano na ang ginagawa ko sa buhay ko. Di ba?"

Ngayon, masaya pa rin akong naglilingkod, kahit nasa first year college na kami pareho. Kinailangan niyang bumitaw muna dahil sa pag-aaral. Pinag-iisipan ko na rin kung ganito ang gagawin ko. Alam kong hindi lang sa pagiging sakristan matatapos ang buhay-paglilingkod ko.

Pero ang mahalaga, minsan sa buhay ko, ay may nakilala akong tao na nagturo sa akin ng daan patungo sa magiging pagkakakilanlan sa akin ngayon. Kundi di dahil kay Jerome, malamang ay hindi makikilala si Russel, isang sakristan at ngayo'y nangangarap na maging isang lektor, isang tagapagpahayag ng Salita ng Diyos.

SirBitz_01312011 :)

No comments:

Post a Comment