1990 ako pinanganak. Malinaw na malinaw na hindi ako pinalad na maging bahagi ng dakilang rebolusyon sa EDSA ng 1986. Totoo nga nyan, namulat lang ako sa term na People Power nung nasa First Year High School na ako. Marami akong tanong sa aking isipan mula noon. Bakit nagka-EDSA? Para saan? Mahalaga ba yun?
Hmm...
Napakalalim na tanong. Ito rin ang dahilan kung bakit wala akong maisulat tungkol sa bagay na naganap noon. Wala nga malamang, dahil kahit anong pilit kong sumulat ng isang magandang katha, ay parang buko ang utak ko, puro tubig at kaunti lang ang laman. Sa totoo lang, kahit na anong salitang i-type ko, ay hindi matutumbasan ang karanasan ng di-mablilang na Pilipino na nagbarikada sa tapat ng Crame at Aguinaldo at sumisigaw na umalis na ang diktador.
Lahat ng kulay sa bahaghari ay nawala, ang natira ay ang mga yellow ribbon na nasa old oak tree. Nawala rin ang tatlong daliri sa kamay ng Pinoy. Ang natira ay yung dalawa na nakakagawa ng "L" na itinataas ng madla sabay sigaw ng "TAMA NA! SOBRA NA!" at kanta ng "BAYAN KO." Tuloy, dahil sa lahat ng yan, nagkaroon ng HANDOG NG PILIPINO SA MUNDO... MAGKAISA!!!
Buweno, dahil doon, umalis nga si Ferdie, at pumalit si Tita Cory. Nakisaya si Sin, si Johnny, si Fidel, pati na ang Veritas at ang Bandido. Nagsilayasan sina Imeldific, pati si Ver, ang Blue Ladies at ang mga loyalista. Nagsigalak sina Ninoy, at ang di-mabilang na mga kaluluwang napipiit sa dilim ng dekada '70.
Makalipas ang 25 years, sumunod na ring nauna sa biyahe sina Sin at Cory. Gusto ni Johnny na happy tayo, kaya senador pa rin siya hanggang ngayon. si Fidel, mula sa pagiging presidente, tumalon at ngayo'y common tao na rin. Si Imeldific, congresswoman na, at napakaelegante pa rin sa recycled jewelry. Si Bongbong na anak ni Ferdie at Imeldific, ayun at senador na. At si Noynoy na anak nina Cory at Ninoy, ayun rin at Presidente na!
Marami na ngang nangyari makalipas ng 1986. Pero ang mahalaga diyan, ang mga kaluluwa ng mga karaniwang Pinoy na nakiisa sa sigawan noon, ay patuloy sa pag-inog ng buhay. Yung ilan ay sumama na sa liwanag, ang iba ay patuloy na nagsisikap. At ang lugar na pinagganapan ng lahat, tinubuan na ng malalaking building at ginagapangan na ng MRT, ngunit ang espiritu ng People Power ay nananalaytay pa rin sa kanya. Sa dambana at monumentong makikita roon, tunay ngang masasabi nating may bakas pa rin ng diwa ng pagkakaisa at demokrasya ang EDSA. At iyan ang ating nalalasap hanggang ngayon.
PERO, WALA PA RIN AKONG MAISULAT!!!
==
25 Years.
Talaga ngang hindi ko mailalarawan ng malaliman ang buhay noong 1986. Talaga ngang hindi ako makakasigaw ng aking nararamdaman dahil hindi pa ako iniisip na gawin ng mommy at daddy ko. Pero kung tatanungin ninyo ang pananaw ko sa EDSA sa kasalukuyan, baka siguro may maisulat na rin ako.
Kung tutuusin, lahat ng aking natitikmang kalayaan ngayon ay dahil sa milagro ng EDSA. Kalayaan, katotohanan, demokrasya, freedom of speech and expression, facebook, TV, Cellphone, walang curfew, walang PC. Lahat ng ito, dahil sa pagsusumikap ng mga Pilipino noong EDSA Revolution.
Siguro nga, hindi na mawawala sa isip at puso ng Pilipino ang sigaw ng paglaban, na umaalingawngaw sa bawat pagkakataon at sandali. Kaliwa't kanang Rally na tumutuligsa sa mga gawaing terorismo, pagtaas ng singil sa pasahe, kuryente, matrikula. Mga welga laban sa extra-judicial killings, land reform at RH Bill. Hindi pa rin naman talaga nawawala ang reactiveness ng mga Pinoy. Natuto kasi tayong maging fearless, lumaban sa taliwas sa ating paniniwala bilang malayang bansa.
Imagine, hanggang ngayon, meron pa ring luma-LABAN!!!
LABAN sa nakakamatay na terorismo at kaharasan!
LABAN sa batas na mapang-api!
LABAN sa kahirapan!
LABAN sa makasariling interes!
LABAN para sa edukasyon at trabaho!
LABAN para sa kaunlaran!
LABAN para sa buhay!
LABAN para sa pantay-pantay na hustisya!
LABAN PARA SA PILIPINO!!!
...AT WALA PA RIN AKONG MAISULAT!!!
==
Grabe! Maraming taon na ang lumipas. 25 years na ang People Power! 25 years na tayong tumatayo mula sa dilim ng diktaturya patungo sa matuwid na daan ng demokrasya. Ibang-iba na ang Pilipinas ngayon. Isa na itong mayamang bansa na napapaligiran ng liwanag ng kapayapaan at pagkakaisa. Salamat sa lahat ng nagsama-sama noong apat na araw na iyon na nagpabago sa ating kahihinatnan bilang isang lahing magiting at lupang sinilangan.
Ako, bilang henerasyong sinundan ng EDSA, ay walang karapatang magsulat ng mga nangyari noong 1986. Pero bilang henerasyong nilalasap ang maging malaya sa sariling bayan, may karapatan rin akong magsulat ng mga bunga ng People Power Revolution. Ito ang iniwan nilang legacy para sa akin, sa amin. Tungkulin kong ibahagi ito sa iba, pagyamanin at ipagmalaki.
At para sa dahilan na ito, kaya ako sumusulat.
MABUHAY ANG EDSA REVOLUTION! MABUHAY ANG PILIPINO!!!
No comments:
Post a Comment