November 16, 2011
SDC
Mahal kong Nanay...
Marami silang tawag sa iyo. Maraming taguring gamit. Maraming pamanhik. Gayunpaman, nais kitang tawagin sa ngalan na kung saan ako ay panatag... NANAY.
Ilang beses na akong napatawag sa iyo! Ilang pagkakataon na ring sa kabila ng kakapusan ng pera at mga biglang insidenteng nangyari, ako ay napaparito upang dalawin ka at magpasalamat. Salamat sa mga biyayang napagkaloob, salamat sa mga pagsubok na napagdaanan at napagtagumpayan! Salamat dahil sa kabila ng aking kamalian at pagsuway, ay nariyan ka pa rin upang ako ay gabayan at suportahan lalo na sa madidilim na sandali ng aking buhay.
Hindi ko alam kung saan ako mapapadpad noong mga panahon na iyon. Lulong ako sa masamang pita, pabaya sa pag-aaral, at wasak na wasak ang buhay. Di ba nga, ang plano ko ay talikuran ang pag-aaral at sumubok na tumayo sa sariling paa, kahit hindi ko kaya? Malamang nga, ilang bagsak na lang ng paa ko ay mabibiyak na ang lupa upang kainin ako sa aking sariling kamatayan. Mapait, malagim, madilim.
Subalit, sa isang iglap ay nanumbalik ang lahat sa dating sigla! Pinagmamasdan ko ang aking pagbangon mula sa pagkadapa at masasabi kong hindi ko ito sariling gawa! Muli kong hinarap ang mga tinalikurang pagsubok; ngayo'y dahan-dahang naaani ko ang kaganapan ng pangarap na minsan kong tinalikuran.
Tama, Nanay. Ang aking pagkabagsak ay isang pasimula. Pasimula ng isang bagong yugto sa aking buhay. Hindi ko ito napansin noon, ngunit ngayo'y ubod ng linaw!
Sa panahon na dahan-dahan akong tumatayo, hindi ko napupuna na ako ay nasa isang paghahanda upang makilala ang isang babae na pupukaw sa aking buhay; paghahanda para sa isang sandali na magpapabago ng buhay ko. At iyon ay nangyari noong gabing iyon na, sa gitna ng dagat ng tao, sa kabila ng aking takot, ay nakilala kita. isang alamat ng aking kabataan na ngayo'y isang realidad na aking hinahawakan at tinatamasa!
O kay tamis na sandali! Sandali na nagpasimula sa IYONG YUGTO ng pag-iral sa aking buhay. Mula noon, dahan-dahang nagbago ang lahat sa akin! Dahan-dahang kinuha ang aking lumang katauhan at tinuruang muling lumapit kay Hesus sa aking munting paraan.
Ngayon, sa puntong ito na ako'y naguguluhan at nadidiliman, hindi ako nagdadalawang-isip na lumapit sa iyo. Alam mo ang mga pinagdadaanan ko, ang mga hirap at pagsubok, ang aking mga kahinaan at problema. Natatalos mo kung gaano ito kabigat at kahirap. Kahit na minsan ay ako rin ang dahilan ng lahat ng pasanin ko, alam ko na hindi ko ito pinagdadaanan kung hindi mo ibig at nais.
Nanay, patuloy mo akong ipanalangin! Patuloy mo akong tulungan! Patuloy mo akong pakinggan at suportahan sa oras ng pangangailangan! Minsan mo na akong tinulungan, alam ko na ngayon ay hindi mo ako pababayaan.
Hindi ako magsasawa sa pagpapahayag ng pagmamahal... ng papuri... at ng pasasalamat sa lahat ng iyong kaloob sa akin! Sa gabi-gabi kong mga date na kasama ka, sa mga piling araw na ako'y mapaa-iyong dambana, at sa iba't-ibang oras na akin kang naipapahayag at napaglilingkuran sa aking kapwa.
Ngayon, ako ay yayao nang muli. Babalik na ako sa aking pamilya, parokya at paaralan. Babalik na ako sa araw-araw na pamumuhay. Subalit hindi ito ang huling sandali. Ipinapangako ko sa iyo, O Nanay kong mahal, na sa pagbabalik ko sa dambana mong ito, ako ay ganap mo nang lingkod. Sa bawat pagbalik ko rito, lalo at lalo kong hahanapin ang aking sariling landas na kasama ka. Lalo at lalo akong magiging bukas sa tawag ng iyong Anak.
Nay, sa huli, iiwan ko ang aking puso sa iyong paanan. Kunin mo ito at dalhin, kasama ng aking mga panalangin, naisin at pamanhik, kay Hesus na minamahal mong Anak at aking Panginoon.
Sa kanya ang kaluwalhatian at sa iyo ang pagdangal ngayon at kailanman. Amen!
MADRE AMOROSA, PRENDA DE AMOR,
ADIOS, ADIOS!!!
No comments:
Post a Comment