Saturday, August 24, 2013

ONE MONTH LATER (posted on Magnilay Tayo!, March 22, 2013)

ONE MONTH LATER
(Handog sa kaarawan ni Ivan Rolfe Banaag)
ni Weldann Panganiban

Isang buwan na ang dumaan makalipas ang pagpanaw ng ating minamahal na kaibigan, Ka.AVE at Kasama, si Ivan Banaag. Marami nang dumaang mga pagkakataon sa buhay natin na kung tutuusin ay masasabi talaga nating, Naku, isang buwan na pala ang dumaan.

Oo, isang buwan na nga ang lumipas. Nagpatuloy na tayo sa ating pamumuhay at maraming mga sandali na ang lumipas. Sa pag-alis ng Santo Papa Emerito Benito XVI, biniyayaan tayo ng Diyos ng isang bagong Pastol sa katauhan ni Papa Francisco. Kamakailan lang, naglabas ng TRO ang Korte Suprema laban sa RH Bill. Marami na ring pulitiko ang dumaan sa mga bahay natin at humingi ng suporta sa darating na halalan.

Sa ating mga sari-sariling buhay, marami rin siguro tayong nakilalang mga tao na naging bagong kaibigan; may ilan rin siguro na pumanaw na upang magtungo sa kabilang buhay. Malamang ay nagmartsa na ang ilan sa atin upang kunin ang hinihintay na Diploma, bilang katunayan na nakatapos na sila ng pag-aaral. Yung iba siguro, may bagong trabaho, may ilang kaka-resign lang sa iba't-ibang dahilan.

Isang buwan na ang lumipas.

Para sa mga nagmamahal kay Ivan, lalo na para sa kanyang pamilya, parang kay bilis ng panahon. Parang kahapon lang ay kasama pa nila si Ivan, masigla, puno ng pangarap. Parang kahapon lang, nakikita pa nila si Ivan na naglilingkod sa Simbahan ng Concepcion, nag-aaral ng mabuti sa St. James, bising-bisi sa paga-upload ng pictures o di kaya'y nagbabahagi ng reflection dito sa Ave Maria.

Ngayon, sa pagmulat ng kanilang mata ay makikita na lang nila si Ivan sa loob ng isang urn na yari sa marmol, sa litrato, kay Maribeth at sa iba pang mga imahen na kanyang iniingatan. Nawala na sa kanilang piling – sa ating piling – ang isang bata na minsang nagbigay ng kulay sa buhay ng di-mabilang na mga mananampalataya. Tila baga bula na sa isang iglap ay pumutok, nawala.

Oo, isang buwan na ang lumipas buhat nang pumanaw si Ivan. Sa pagbalik-tanaw natin sa alaala ng dakilang batang ito, masasabi talaga nating nakakapanhinayang, nakakalungkot ang naging pagtatapos ng kanyang buhay na puno ng tamis ng kabataan at katatagan ng paglilingkod. Ramdam na ramdam pa rin ang kawalan ng isang tulad ni Ivan sa buhay ng mga malapit sa kanya. Marami pa sana siyang pangarap na nais kamtin, mga lugar na nais puntahan. Sa totoo lang, kahit siya ay hindi pa handa para sa sandaling ito (Ako na po mismo ang magpapatunay rito).

Subalit ang Diyos na rin mismo ang nagpapakita ng kanyang Kalooban sa lumipas na isang buwan. Buhat pa lang ng ibalita namin sa Ave ang kanyang pagpanaw, sari-saring pagpupugay ang aming natanggap mula sa mga taong malapit kay Ivan (nabasa natin ang ilan noong Necrological Service). Mula sa kanilang mga ibinahagi, nakilala natin talaga si Ivan bilang isang lingkod at isang kaibigan, higit pa sa pagkakakilala ng iba sa kanya.

Ngunit mas nakakaantig sa puso ang mga pinaabot na pagkilala ng mga taong buhat sa iba't-ibang dako na, kahit na di talaga nila personal na kakilala (ang iba sa kanila'y minsang nakausap si Ivan sa FB). Hindi man nila nakasama si Ivan na kasingdalas ng iba, ay naramdaman pa rin nila ang kabanalan at pagsusumikap ng batang ito – di hamak na higit sa mga kabataan na kasing-edad niya.

Kung titignan ko ang aking buhay sa nakalipas na isang buwan, masasabi ko rin na di ako pinabayaan ng Diyos sa kalungkutan. Sa kamatayan ni Ivan, nagsimulang maging matatag ang buong AM Online Community, di tulad ng pinagdaanan nito sa nakalipas na isang taon, at sa palagay ko'y higit sa alinmang fanpage na tulad nami'y naghahandog ng Mabuting Balita. Binigay rin niya sa akin ang biyaya ng mga taong naantig rin sa buhay ni “Ivandude” at naging mga panibagong kaibigan.

Isang buwan na nga ang nakalipas. May dahilan na ba para magpasalamat?

Oo, meron. Ngayong ipinagdiriwang natin ang 13th birthday niya, makikita natin ang tunay na halaga ng buhay ni Ivan, isang buhay ng pagtitiwala at ng paglilingkod. Patuloy siyang nagsisilbing maging isang inspirasyon sa atin upang isabuhay ang pagiging Kristiyano sa salita at gawa. Hindi dapat tayo maging bulag sa panawagan ng kabanalan. Kung nagawa ito ng isang 12-year old na bata tulad ni Ivan, tayo pa kaya?

Siguro, kung may hindi pa ako nakukwento sa inyo tungkol kay Ivan ay ito iyun:

Isang linggo makalipas ang aming paglalakbay sa Cavite, muli kaming nagka-chat ni Ivan. Isa sa mga tinanong niya sa akin ay ito, KAMUSTA? MAY TIWALA PA BA? Sa pag-aakalang ordinaryong tanong lang ito, nasagot ko siya ng "Naman!"

Kanina, sa aking pagbabakasakali sa aming chat thread (sa awa ng Diyos ay hindi ito binura ng Facebook kahit na wala na ang profile ni Ivan), ay nakita ko muli ang tanong na ito. Tila ba nagtatanong si Ivan sa akin ngayon, MAY TIWALA PA BA?

At aaminin ko, isang buwan makalipas ng kamatayan niya, patuloy pa rin niya akong ginagabayan sa mga dapat kong gawin. Hindi siya nawala, pinapatnubayan niya ako – kami at tayo – sa ating paglilingkod.

Mga kapatid, isang buwan na ang nakalipas mula nang iwan tayo ni Ivan. Isang buwan na nagpabago sa buhay natin sa isang paraan o sa iba pa. Marami nang dumaan sa buhay natin, at marami pang darating. Gayunpaman, malinaw na sa loob ng isang buwang ito, nakita natin ang Kalooban ng Diyos: The Lord has given, the Lord has taken away. Walang hihigit sa naisin niya, kahit na ang buhay natin ay kaya niyang kunin at pag-isahin sa isang iglap.

Isa lang ang pakiusap ko, ang pakiusap namin. Ilang buwan man ang dumating sa buhay natin, kaakibat ang mga pagsubok at karanasan, wag na wag nating kakalimutan ang buhay ng isang bata na hindi natakot humarap sa unos, upang ipakilala ang kalooban ng Diyos. Huwag sanang makalimot sa pagtitiwala sa kanya, umasa tayo na hinding-hindi niya tayo pababayaan.

TIWALA LANG!



No comments:

Post a Comment