Tuesday, September 15, 2015

Pakikiramay kay Maria sa Gabi ng Biyernes Santo

MATER DOLOROSA, Santo Domingo Church, Quezon City

Mapanglaw ang gabing ito, Maria. 

Masakit ang nakalipas na mga oras, samantalang nakikita mo si Jesus na pinapatay ng kapwa mo Hudyo. 
Bawat sampal at hampas, bawat libak at paghamak, bawat sigaw ng paghihirap ay mistulang balaraw na tumusok sa iyong Puso. Ang kamatayan niya ay nasaksihan mo, at buong tapang mong pinagmasdan ang kanyang huling sandali. 

Ngayong gabi, wala na ang iyong Anak, 
at ikaw ay nangungulila. Nag-iisa. 

Sa gabing ito, hayaan mo, Mahal na Ina, 
na samahan ka namin sa iyong pangungulila. 
Hayaan mong iparamdam namin sa iyo, O aming Ina, 
na kami ay iyong mga anak rin, 
na mahal ka namin, 
na nais ka naming sintahin. 

Sasamahan ka namin, tulad ng pagsama mo sa amin 
sa bawat tuwa at lungkot ng aming buhay. 
Sasamahan ka namin, samantalang naghihintay 
sa katuparan ng pangako ni Hesus: 
ang kanyang maluwalhating Muling Pagkabuhay. 




No comments:

Post a Comment