September 27, 2011
Mapayapa pa akong natutulog, malamig kasi at maulan. Bigla akong ginising ni Mommy.
'Weldann! Weldann!!! Tumayo ka na! Magtaas tayo ng gamit!'
Pinatayo niya ako at pinatingin sa labas; nakita ko ang mataas na bahay sa tapat namin, may waterfalls sa hagdanan nila.Bukod pa ito sa kapansin-pansing biglang taas ng tubig sa harapan ng bahay. Di ko malilimutan ang tagpong ito na siyang nagsimula ng araw ko.
Dumating na si Pedring.
Maisalba na ang lahat ng maisalba: mga papeles, mga damit na nakababa sa kama, at syempre, ang Relic at mga religious items na nasa altar. Mabuti at nakadikit sa pader ang aking Cabinet, kaya wala na akong iba inalala pa kundi ang lahat ng gamit na nasa baba.
Subalit kailangang magmadali. Dahil walang pananggalang, mabilis na bumulusok ang tubig sa loob ng bahay. Naligo ang lahat ng gamit sa sala at kusina: ang sofa, ang lamesita, at oo, pati refrigerator ay nagtampisaw sa gahitang baha. Pati nga kuwarto ay di sinanto ng knee-level na tubig: ang mga damit ng mommy ko, mga kama namin at iba pa. Bukod pa ito sa mga basura at burak na nagmula sa labas. Sa kalsada naman, abot-tiyan ang tubig, isang bagay na di pa nararanasan ng mga taga-Tanza, ni minsan sa buhay ng mga naninirahan dito. Sabi nga ng ilan, Di nga kami in-Ondoy, pineste naman kami ni Pedring!
Puno ng kalungkutan ang araw na ito: walang kuryente, amoy-lansa kahit saan, waterworld ang kapaligiran. Subalit sa kabila ng lahat ng ito, ay nagkaroon kami ng dahilan para magpasalamat. Sa pagbalik ng kuryente kinagabihan (nakisaksak muna kami; baka magkaroon ng mas matinding problema pag in-on namin ang Main Switch) ay nanood kami ng balita.
Doon namin na-realize, mas matindi pa rin pala ang tama ng bagyo sa Bulacan, Isabela at Pampanga, kaysa sa nasagap ng Maynila, Malabon at Navotas. Mapalad pa nga kami kung tutuusin, dahil ganito lang ang tama ng bagyo sa lugar namin. Maswerte pa kami, dahil parang may sumanggalang at hindi ninais na magkaroon ng ganoong katinding pinsala sa lugar namin na di-hamak na malapit sa karagatan.
Bukod pa riyan, may kakaiba pang naganap sa gitna ng unos: isang goldfish ang di-sinasadyang nakapasok sa kuwarto ko. Nang mag-umpisa na akong mag-alis ng kalat na nakalutang sa baha, may nakita akong goldfish na lumalangoy sa may papag ng kama ko (nakataas kasi ang mismong kama na basa ang ilalim dahil naabutan ng baha.). Kakaibag tuwa at pagkamangha ang aking naramdaman. Naisip ko, Naku, may mangyayaring maganda.
Pero bukod riyan, naisp ko ang pag-asa na hatid ng Goldfish. Kahit na anumang unos na dumating ay may sisilay na ligaya at panibagong pagkakataon para sa mga nagnanais magkaroon nito. Basta't handa lang tayong harapin ang anumang dumating sa ating buhay. Handa lang tayong lumangoy, lumangoy at hanapin ang bagay na makakapagbigay sa atin ng higit na ligaya.
===+===
September 28, 2011
Fiesta ni Mang Enzo na taga-Maynila
Naggising ako, 4:30 AM. Kahit papaano'y bumaba na ang tubig sa mga kuwarto. Isa itong magandang senyales: pwede nang maglinis.
Isa-isa nang inilabas ang lahat ng gamit: mga basang damit, mga basang papeles, mga basura at putik na nanuot sa ilalim ng mga kama na basa pa rin, at iba pang mga ebidensya ng pagsalanta ng bagyo sa aming bahay. Sa hudyat ng bibig ng mommy kong mahal, gumayak kami upang linisin ang mga kuwarto.
Linis, linis, linis. Lahat ng dumi ay napunta sa salas (na may tubig-baha pa rin), pero ang mahalaga'y malinis na ang mga kuwarto upang mapatuyuan ito. Kahit na may iniwang alaala ang bagyo sa aking katauhan, lalo na sa aking mga paa, pilit pa rin akong kumilos upang maibalik sa dati ang bahay.
Akala ko'y wala nang susunod sa goldfish na nakita ko kahapon; yun pala ay may susunod pa doon! Habang ako ay patuloy sa paglilinis, lumapit sa akin ang aking daddy at nagsabi...
Weldann, iyung sutana mo nasa mga marurumi. Kunin mo na nga.
Matagal na akong wala sa MAS, kaya ikinagulat ko ang sinabing iyun ng tatay ko. Nang lumabas ako para kunin ang sutanang sinasabi niya, nagulat ako nang makita ko ang aking alba na nawawala na ng higit isang taon! Nangungutim man dahil sa baha, mababanaag pa rin dito ang matagal na panahon ng aking paglilingkod. Tuwang-tuwa ako sa pagbabalik sa akin ng aking 'vestment,' para akong nagkaroon ng panibagong lakas at inspirasyon. Patuloy ang paglilingkod sa Diyos at sa Simbahan, sabi ko sa sarili ko.
Natapos na ako ng paglilinis ilang minuto bago mag-hatinggabi. Pinilit na ako ng mommy ko na wag ipagpabukas ang gawain. Ayaw mo nun, mapapahinga ka ng husto. Kaya kahit na masakit na ang katawan, tinuloy at tinapos ko na ang aking ginagawa.
Muli na rin akong nakatulog sa aking kuwarto makalipas ng isang araw na baha at kawalan. Totoo nga, sa kabila ng lahat ng ulan at baha na aking nasagap sa nakalipas na mga araw, may mga bagay pa rin na humihigit sa lahat: ang pag-asa sa gitna ng pagsubok, at ang masigasig na paglilingkod sa Panginoon. Dito sa mga bagay na ito nagiging matatag ako, dito nasusukat kung hanggang saan ang aking katapatan sa Diyos. Dito ko nakita na wala nang hihigit pa sa Panginoon na nagbibigay ng parusa sa mga suwail at gantimpala sa lahat ng tapat.
Ito rin ang nag-udyok sa akin na magpasalamat at dumulog sa kanyang harapan. Kailangan ko na ngang puntahan ang aking Nanay. Sa kanya ko ipapadaan ang aking mga hibik at dalangin.
Itutuloy....
No comments:
Post a Comment