(Magandang basahin mo agad ang post na ito, pero mas maganda kung babasahin mo muna ang Part One... READ IT HERE!!! )
October 01, 2011Fiesta ni Ate Teresita
Umuulan noon. Hindi, umambon lang. Nasa paligid kasi yung bagong bagyo, si Quiel. Nakababad ako noon sa FB, nagdarasal na sana'y mag-online si Erwin. Di nga ako nagkamali. Nag-online siya, at nagkausap kami.
Bitz: Lakad tayo, di ba?
Whin: Ayy! Meron pala tayo bukas! Amp... Wala akong pera!
Bitz: Bakit?
Whin: Sir, wala akong naipon! Nalimutan ko na aalis pala tayo. Amp...
Bitz: Wala ka talagang pera?
Whin: Ilibre mo ako, sir. Magkano ba pera mo?
... babaratin na naman yata ako ng minamahal kong estu!!! Haixxsst....
Bitz: 150 ang budget ko. Sige, may 80 ka na sa akin.
Whin: Ano'ng oras ba ang lakad natin bukas?
Bitz: Ano'ng bukas? NGAYON kaya ang lakad natin?!
Whin: Naku, sir! Wala talaga akong pera.
Bitz: Sige, manghiram ka ng pamasahe kahit na papunta doon sa meeting place natin.
Whin: Sir, paano kung di ako makapunta? Ingat ka na lang.
Bitz: Wag kang panghinaan ng loob! Marami nang nagawa si Nanay para sa akin. Kung nagawa niya iyun sa akin, magagawa rin niya iyun para sa iyo. Tuloy tayo! Have Faith!
Whin: Kasi sir, gusto ko ring magkaroon ng blessing eh!
Bitz: Kaya nga, sumama ka na.
At matapos magkaisa sa lugar na pagkikitaan namin ng estudyante ko, nag-offline na kami pareho upang maghanda. Sinisita ako ng kapatid ko, "Naku, magmo-mall ka lang eh, manlalalaki! Idadamay mo pa ang simbahan. Ikaw talaga!" Pero di pa rin niya ako napigilan at tumuloy na ako sa lakad.
3:00 PM, LRT Carriedo Station.
Ano ba ito?! Maraming mukhang hablero sa paligid. Baka mapa-ano ako dito ah. Antagal naman ni Erwin!
3:15 PM, LRT Carriedo Station.
May lumapit sa akin, naka-T-shirt lang siya at sumbrero. Kinawayan niya ako. Sinukluban ako ng takot at baka kung ano ang gawin sa akin. Pero bago ako magpakita ng pagka-panic, tinignan ko muna siya ng mabuti. Kilala ko ang ngiti niya. Si Erwin na nga.
"O, Tito! Bakit parang nabalisa ka?"
"Akala ko indyanan na, eh. Kinakabahan ako."
Nagsimula na kami ng paglalakad para sa iisang misyon: ang madalaw si Nanay, at magpasalamat para sa pagkakaligtas namin mula sa bagyo. Nagsimula kaming maglakbay sa nakakatakot na daan ng Carriedo. Nakakatakot dahil sa madulas na daan, malakas na buhos ng ulan, at mga taong (sa totoo lang ay) di mapagkakatiwalaan.
3:25 PM
"O, anak. Ito ang Simbahan ng Quiapo."
"Niloloko mo ba ako, Tito Welds? Di kaya ito ang Simbahan ng Quiapo."
Aba, may sumabat: "Iyan na ang Simbahan ng Quiapo! Sige, pasok kayo!"
May ngiti sa labi, nag-stop-over muna kami sa simbahan ng Nazareno sa Quiapo. Ito ang unang pagkakataon kong makapasok rito makalipas ang halos sampung taon. Hindi masyadong familiar ang mukha ng simbahan subalit sa unang pagtingin ko ay ituturing mo talaga siyang simbahan ng madla. Maganda, ngunit angkop sa masa ang dating. Lalo nakakapang-akit sa mga deboto ng Poong Nazareno na dumadagsa dito pag January.
Hinayaan ako ni Erwin na gawin ang isang bagay na nais kong gawin sa araw na ito: ang tumanggap ng Kumpisal. Parang may bulong sa akin na mas nararapat na maging malinis muna ako bago humarap kay Nanay. Isang magandang pangungumpisal ang naganap sa loob ng Confessional Box. Samantalang siya ay ginamit rin ang oras para lumuhod sa harap ni Hesus Nazareno at manalangin.
Mapayapa kaming nakaalis ng Quiapo. Handa na kaming makipagkita kay Nanay. Excited na excited na kami.
4:55 PM
Bumaba na kami sa Banaue, tutal malapit na at parang nakakaburyo ang trapik na nararanasan namin. Bago kami pumasok sa mismomg simbahan, dumaan kami sa may kumbento ng mga pari. May tindahan sa may gilid. Samantalang ako ay bumibili ng souvenir, pinagtitripan naman ni Erwin ang anak na babae ng tindera. Sa totoo lang, sa pagdating namin doon, nagsimulang umingay sa paligid. Pero di ko kasalanan iyun... (:p)
Pero nagbago ang aura namin sa aming pagpasok sa mismong simbahan. Hindi na naalis ang paningin ko sa Magandang babae na nasa itaas ng Altar, at sa batang kanyang buhat-buhat. Pagkatapos ng aking mga gawi sa pagpasok sa isang simbahan, inakbayan ko si Erwin at napabulong...
Hi, 'Nay! Ito na ulit ako! At tignan mo, may kasama pa ako!!!
Tinitignan lang ako ni Erwin. Napansin niya ang kakaibang kislap sa mga mata ko. Para bang may nakitang kakaiba na nagdala sa akin ng saya na kakaiba! Napabulong ulit ako, ngayon naman ay siya ang kinakausap ko...
Erwin, meet my Nanay. Mula ngayon, nanay mo na rin siya.
Napangiti siya. Alam niya ang nais kong sabihin. Naramdaman rin niya ng mga sandaling yon ang isang kakila-kilabot na pakiramdam... para bang may nakamasid sa kanya. Nakakapangilabot. Ito rin mismo ang naramdaman ko isang taon na ang nakakalipas. Love at first sight, kung baga. Napamahal na ako sa kanya, at nais kong iparamdam na minamahal ko siya.
Kung nakuha mo na kung sino siya, oo, tama ka! Siya nga si Maria, Reyna ng Santo Rosaryo ng La Naval de Manila. Halos isang taon na noong huli ko siyang nakita, kaya aaminin ko na parang high na naman ako nung mga sandaling iyon. Sariwang-sariwa pa rin sa akin ang alaala ng 10.10.10; parang pakiramdam ko, kahapon lang noong huli kaming nagkita, kahit sa totoo lang ay isang taon na ang nagdaan. Buhay na buhay pa rin ang alaala, ang alab at pagmamahal!
Dame tu Bendicion, Madre de Salvador!
Ito rin ang unang pagkakataon na makasama ako sa aktibidad na kaugnay sa pagnonobena sa Birhen. Nakadagdag ito sa pangingilabot na naramdaman ko. Iba ang naririnig sa internet sa mismong nandoon ka sa harap ng Mahal na Ina, nagsisimba at umaawit ng Ynvocacion at Despedida! Nakakatindig ng balahibo, nakakataas ng diwa. Ito pala ang mahika ng La Naval.
Bukod pa riyan, sinamantala na rin namin ang pagkakataon na makalapit sa Mahal na Ina sa Besamanto pagkatapos ng Misa. Pinalad akong makaluhod sa harap niya. Walang kilos, ang kamay ay nakasuporta sa mukha, nakatingin lang ako sa kanyang mukha na puspos ng pagmamahal, habang ibinubuhos ko ang lahat ng sentimyento ng puso ko. Halos maluha-luha ako ng mga sandaling iyun. Paano ba namang hindi, eh kausap ko at kaniigan ang aking Nanay na pakiramdam ko ay nakikinig sa akin. Tunay nga, walang makakapantay sa pagmamahal ng Birhen ng La Naval!
Sa pagtatapos ng aming gabi sa Santo Domingo, nakita ni Erwin ang mukha ko at ito ang kanyang naging reaksyon,
"Naku, Tito Welds! Parang sobrang saya mo ah! Parang maliwanag ang mukha mo... Kakilabot!"
"Ganyan ang Mahal na Birhen. Para bang buhay siya? Para bang nakikinig siya sa iyo? Kaya nga masasabi ko, siya ang Nanay ko."
9:15 PM
Sa pag-uwi namin, ang masaya sanang pagtatapos ng araw ay nauwi sa isang matinding pagsubok.
Sa pagpasok muli namin sa simbahan ng Quiapo, may isang batang nagpupumilit na ibenta sa amin ang kanyang kwintas. Wala na kaming pera noon, kaya kahit na anong pilit niya ay isinasauli namin ang kwintas niya. Habang isinasabit niya iyun sa braso ko, sinasabi niya,
"Sige na kuya, bilhin nyo na, para lang naman sa pamasahe ko't pambaon. Salamat po!"
"Naku, neng! Wala talaga kaming pera..."
Buti nga sana kung ganun lang ang pagsubok, subalit may isa pa na darating. Isang mabigat na pagsubok na titingin ko hanggang saan ako sa pananampalataya ko sa Diyos at pagtitiwala kay Nanay.
Nagkahiwalay na kami ni Erwin sa Carriedo, at paakyat na ako ng LRT nang biglang sumigaw ang babae sa gilid ko,
"Boy, yung harap ng bag mo, bukas."
Naalala ko, naroon ang aking wallet, gayun din ang Novena Booklet ko sa La Naval. Nang tignan ko ang bukas kong front pouch, wala na nga pareho. (Naroon rin ang USB Flash Drive ko. Salamat sa Diyos, di iyon nakuha.)
Nagpanic ako. Sinubukan kong habulin si Erwin subalit inaalala ko na baka mahalata nilang may problema ako at mauwi pa iyun sa mas matinding gulo. Wala na akong magagawa, kailangan ko nang kumilos.
'Nay, pagsubok lang ito. Sige, ikaw ang bahala.
Di na ako nagdalawang-isip. nagdesisyon na akong maglakad mula Carriedo pauwi. Hindi iniisip ang gutom o ang mas matinding panganib na dala ng malamig na gabi sa Avenida de Rizal, binagtas ko ang mahabang daan, papalayo sa lugar na kung saan nagsimula ang aking pakikibaka ng gabing iyon.
Marami akong nakita sa aking paglalakad sa Rizal Ave.: Mga kotse at trak na pauwi na, mga tindahan na pasara na, at mga babaeng pang-aliw na inalok pa ako ng service sa halagang Php300.00. Kinikilabutan ako. Hindi ko alam kung ano ang madaratnan ko sa daan. Subalit nasa isip ko pa ang alaala ng Besamanto, at ang maamong mukha ng Mahal na Birhen. Ang sigaw ng isip at puso ko...
Nanay, wag mo akong pabayaan... Inang Maria, wag mo akong pabayaan...
Pagdating sa Calle Yuchengco, nakakita ako ng jeep na Gasak-Recto. Hindi na ako nag-alinlangan. Matapos ang isang matamis na dasal, lumapit ako sa driver at nakiusap...
"Boss! Nanakawan ako sa Carriedo, natangay ang wallet ko! Sampung piso lang ang pera ko. Pwede po bang makisabay?"
"Sige na, sakay na!"
Napahinga ako ng malalim. Nagpasalamat ako ng mga sandaling iyon dahil kahit na may nangyaring masama sa akin (dala ng aking kapabayaan na rin), ay hindi ako pinabayaan ni Maria. Napatunayan ng insidenteng iyon na nariyan lang si Nanay, handang umalalay lalo na sa mga mabibigat na sitwasyon ng aking buhay. Kahit na nawalan ako ng bagay na mahalaga, pinakita sa akin ni Nanay na mas mahalaga pa siya sa anumang materyal na bagay at di niya ako pababayaan basta matatag lang akong nakakapit sa kanya.
Nagkausap kami ni Erwin sa cellphone pagkauwi ko sa bahay.
"O, tito, tuloy tayo sa Linggo?"
"Siyempre! Pagsubok lang iyun, hindi nito mababago ang pagmamahal na alay ko kay Maria, at lalo pa akong magpapasalamat dahil di niya ako pinabayaan."
"Marami tayong kasama?"
"Syempre, anak!"
"Basta tito, Walang aayaw! Hangga't di natin nakukuha kay Ina yung GRACE niya, walang aayaw!"
"Oo anak. Walang aayaw. Ngayon pa na kung anu-ano na ang napagdaanan ko? Walang aayaw, tangan lang tayo. Nandiyan si Nanay para sa atin di niya tayo pababayaan!"
Ngayon, lahat ng bagay ay nakatutok na sa isang petsa: October 09, 2011. Isang pista ng pagpapasalamat sa Inang Maria. Makikiisa kami, makikisaya at muling dudulog sa kanya.
Ano man ang mangyari, tuloy ang laban, dahil kasama si Nanay!!!
Itutuloy...
No comments:
Post a Comment