Wednesday, January 04, 2012

KUWENTO NGA BA?

This is my comeback essay at the KBKP page last November 26. As of now, I am still losing my writing spirit which affects much of my system. Nevertheless, I would like to share this simple work with you, guys. Hope you enjoy it! ^^

Kuwento nga ba itong isusulat ko?

Ang bawat isa sa atin ay may kuwentong isinusulat sa libro ng buhay. Mga tagpong puno ng aksyon, drama, komedi, at kung anu-ano pang mga emosyon, pero humahantong pa rin sa isang trahikong pagtatapos: ang kamatayan. Kuwento na simple man ay pinapalamutian ng mga di-matumbasang hiyas: mga salita at mga tinging nakakamatay, mga astang pamatay, at mga kilos na minsa'y nakakapatay. Hiyas nga ito sa isang magandang alaala ng nakaraan, salamin ng ating pag-iral sa kasalukuyan at gabay tungo sa hinaharap.

Kung wala kang kwentong nagawa sa iyong buhay, isa kang taong walang kuwenta. mas mabuti nga para sa iyong mamatay. Tiyak na kapag namatay ka, may sarili ka nang kuwento; di lang iyan, naging bahagi ka pa ng kuwento ng iba, lalo na kung pinagkaperahan nila ang iyong bangkay. Nakakahiya, nakakapanhinayang. Kung sana ay naging makabuluhan lamang ang iyong buhay sa aklat ng mundong mapaglaro.

Para saan ito?

Walang taong hindi nakakagawa ng sarili niyang kuwento. Silip ka lang sa kabilang bahay: mag-asawang naglalaro sa init ng araw. Silip ka sa kalsada: mga chikiting na walang muwang subalit nagsusunog ng kable para makuha ang tanso at maibenta sa piso kada kilo. Tingin ka pa doon: mga kabataan na walang magawa kundi idaan ang kahirapan at kawalan ng sigasig sa buhay sa mga rap battle, paglalaro ng bilyar at pagyoyosi ng MJ.

Tinatamad kang tumingin sa labas? Palibhasa naka-FB ka naman, silip ka sa wall ng friend mong isa: status na daig pa ang Ampalaya sa pagiging bitter. Makipag-chat ka: paghahanap niya ng kausap at payo sa gitna ng bawal niyang pagbubuntis. Sa wall mo: comment ng isang batang gulat sa pag-post mo sa salitang Pagja***** at pagbatikos rito.

Lahat tayo, may sari-sariling kuwento, bunga ng sari-sarili nating dahilan ng pag-iral sa mundong ito: pagiging inspirasyon, pagiging fighter sa harap ng pagsubok, pagiging malibog at paghahanap ng chicks at boys, at iba pang mga dahilan na sa totoo lang ay walang koneksyon sa tunay na dahilan ng iyong buhay sa mundo...

...Iyan ay ang maging masaya. 

Masaya nga ba ako sa kuwento ko?

Marami na akong nakausap sa araw-araw kong paglalakad at pagtakbo sa landas ng buhay. Bakas sa mukha nila ang labis na pag-aalala, kalungkutan at pagbabakasakali. Ang ilan, nasa gitna pa ng takbuhan samantalang ang iba'y malapit-lapit na sa finish line. Nag-aral sila, nagbanat ng buto, naging kung anu-ano, subalit sa huli ay talunan pa rin sila at nakita nila ang malaking kakulangan sa kanilang buhay.

Marami silang sinisisi: ang asawang two-timer, ang magulang na sugarol at lasinggero, mga kapatid na sobrang dami, kaibigang taksil, perang mailap sa kanilang bulsa, Diyos at pamahalaan na nakalimot sa kanilang karaingan at iba pa. Ngunit hindi nila natatalos na ang tunay na dahilan ng kalungkutan ay mismong sila rin naman. Hinayaan nilang umabot sa masaklap na pagbagsak ang kanilang masasayang pangarap. Sinisisi nila ang iba; ngunit bakit di nila makita ang realidad: sila at sila rin naman ang may dahilan ng kanilang kalungkutan! Sila! Sila!

Ano'ng mapapala ko?

Ewan ko. Pwede tayong makinig sa kanila, pwede natin silang gawing halimbawa. Ngunit tandaan natin na sa huli, tayo at tayo pa rin ang bida at writer ng ating sari-sariling mga kuwento. Lahat ng dialogue, tayo ang nag-isip at nagsabi. Lahat ng kilos ng bida, tayo ang nag-devise at nag-execute. May iba bang sisisihin? Wala, kasi tayo nga ang may pakana ng lahat ng ating isinusulat sa aklat ng buhay.

Maikli lang ito sa totoo lang dahil sa ganang akin ay nagpapatuloy pa rin naman ako sa paggawa ng sarili kong kuwento. Sa huli, alam kong may mapapala rin ako. Mapapala, dahil ako rin naman ang makakatanggap ng matamis na bunga o mapait na lason sa bawat linyang aking isinusulat.

Kuwento.

No comments:

Post a Comment