PHOTO CREDITS: Mukha AD |
Lahat tayo, may kapasidad maglakad, mula sa batang dahan-dahan ineestima ang kakayahan ng kanyang tuhod, hanggang sa atletang di lang lumalakad kundi tumatakbo pa, hanggang sa nakakatandang kailangan na ng saklay para maipagpatuloy ang bawat hakbang.
May bilis rin ang ating paglakad. Minsan, dahan-dahan tayong naglalakad, ninanamnam natin ang bawat padyak ng ating paa. Minsan naman, sa sobrang bilis ng ating takbo, di na natin namamalayan ang lumilipas na oras. Subalit sa dalawang bagay na ito, iisa lang ang katitinatnan, ang ating destinasyon at patutunguhan.
Hindi sa lahat ng oras, malinis at walang basura ang ating dinadaanan. Minsan ay mabato, may boteng basag o makapangyarihang poopoo ng aso, o ano pa mang sagabal sa matiwasay na paglalakbay. Depende sa sitwasyon, marami sa atin ang humihinto at nililinis ang paa, o kumakaripas at di na pinapansin ang dumi sa talampakan.
Naglalakad tayo, kasi may nais tayong patunguhan. Maikli man o mahaba, malapit man o malayo, hindi tayo magkakaroon ng katuparan ang ating hangarin kung hindi tayo gagamit ng kaunting lakas upang magtungo saan man natin nais.
Parang buhay lang iyan.
Lahat tayo, ay may kapasidad na gumawa ng ukol sa ating mga pananaw o desisyon sa buhay. Malaki man iyan o maliit, kahit na ang simpleng pagtayo natin sa umaga o pagpili ng oras ng pagtulog sa gabi ay bahagi ng ating kapasidad na mag-isip at paglaanan ng oras ang sarili.
Nagkakaiba-iba rin tayo pagdating sa bilis ng paggalaw sa buhay. May mga ninanamnam ang bawat sandali, tipong ayaw dumating ang bukas para lang malasap ng buo ang mga lumilipas na oras. May mga tao rin, na dahil ayaw nila ng mabagal na takbo ng buhay, ay todo-kayod at hayok sa pagka-aligaga, na di na iniisip ang tungkol sa kanilang sarili.
Hindi sa lahat ng panahon, masayang sandali ang ating nararanasan. Sabi nga nila, boring ang buhay kung walang problema. Depende sa bigat, may mga taong humihinto sandali at nag-iisip ng solusyon. May mga tao rin na imbes na mag-isip ng paraan ay nagpapatuloy na lang sa buhay na parang walang nangyari.
Nabubuhay tayo dahil may nais tayong makamit sa buhay. Short-term o long-term goal man iyan, hindi natin ito makakamit kung hindi tayo maglalaan ng kaunting atensyon rito. Kaya nga tayo nag-aaral, nagtatrabaho, nagmamahal, dahil nais nating makamit ang ating minimithi.
O, di ba? Ang buhay, parang paglalakad lang.
Naglalakbay ka, marami kang nakikita at natatanaw, ngunit a bandang huli, ay ikaw at ikaw pa rin ang magde-desisyon kung saan ka pupunta, kung hanggang kailan ka maglalakbay, o kung magiging masaya ka sa patutunguhan mo.
Kung magiging matagumpay ka o malungkot sa iyong patutunguhan, ikaw at ikaw rin ang may pakana at dahilan.
Payong kapatid: Ingat lang, baka matapilok ka. Ikaw rin...
===
This post is an official contestant in the
SARANGGOLA BLOG AWARDS!
Just dropping by... nice layout here ^^
ReplyDeleteThanks very much! ^^
Deletemagandang blog, keep up the great work!
ReplyDeleteSalamat po! Keep on reading too! ^^
Deleteayos
ReplyDelete