Wednesday, July 27, 2022

LA VIRGEN DE LA SOLEDAD DE NAVOTAS: Ina Nami't Gabay

La Virgen de la Soledad de Navotas

May tatlong taon na kaming nagpipista sa Virgen de la Soledad de Porta Vaga sa Parokya ng Sta. Cruz sa Navotas, pero nitong isang taon lang kami pinahintulutang ganapin ang rosaryo at lingguhang pagnonobena sa kanyang karangalan. Mas lalo pang dumami ang Jovenes, at nagkaroon ng kabuluhan ang aming pag-iral sa parokya. Hindi rin nawala ang mga kapatid nating hindi naunawaan ang pag-iral ng grupo, ni ng debosyon, pero hindi nagpabaya ang Mahal na Ina, ni nanghina ang mga Jovenes.

Sa loob ng isang taon, ang gamit namin sa pagdedebosyon ay isang .jpg copy ng Mahal na Birhen ng Soledad na naka-flash sa monitor. Bandang Abril naman noong inilipat ang poster ng Birhen mula sa lumang simbahan (ngayo'y kapilya) patungo sa bagong parokya. Noong bumubuo kami ng By-laws at ng Action Plan, napagkaisahan naming dapat magkaroon ng sariling pintang larawan ang Mahal na Ina sa aming parokya. Isa sa mga naging hadlang na agad naming nakita ay ang kawalan namin ng pondo; ang Jovenes ay isang grupo ng mga kabataang walang trabaho at mga mag-aaral pa lang. Alam naming mahal ang magpapinta ng larawan ng Soledad at aabutin ng taon bago matupad ito, pero siguro hindi naman ako nag-iisa sa pagsabing hindi kami nagsawang humingi ng tulong sa Mahal na Ina upang matupad ito.

Hindi kami binigo ni Nana Choleng. Minsan, naisipan kong kausapin ang kapwa ko kasapi sa Cofradia na nagpipinta rin ng Soledad. Laking kagalakan ko nang malaman kong ito ay ipinagkakaloob pro bono sa mga komunidad at parokyang nagnanais na magtaguyod ng debosyon sa kanya. Hindi lamang ito, kami ay hinamon ring gawing kakaiba ang paglalarawan sa Mahal na Birhen ng Soledad kumpara sa Porta Vaga at sa iba pang mga depiksyon sa iba pang bahagi ng bansa.

November 7, 2021, pagkatapos naming manumpa bilang isang samahan, ay itinanghal sa buong pamayanan ang bagong pintang larawan ng Mahal na Ina, NUESTRA SEÑORA DE LA SOLEDAD DE NAVOTAS. Ito ay ipinagkaloob ng Cofradia de la Virgen de la Soledad de Porta Vaga sa Parokya ng Sta. Cruz, bilang pagkilala sa munti naming pagsusumikap na maipakilala ang pamimintuho sa kanya dito sa aming komunidad. Makikita rito si Maria na nakaluhod at nagninilay sa mga instrumento ng pagpapakasakit ni Hesus na kanyang Anak, katulad ng karaniwang pagsasalarawan ng La Soledad de Porta Vaga. Subalit, si Maria ay makikitang nasa gitna ng karagatan, nababanaag ang kahinahunan sa gitna ng unos. Ito ay magpapaalala sa atin ng pagpapakita ng Mahal na Ina sa sundalo sa baybayin ng dagat Cañacao, malapit sa Porta Vaga. Ito rin ay bilang pagkilala sa Lungsod ng Navotas, na ngayo'y kilala bilang Fishing Capital ng ating bansa. Ito ay isang bagong karagdagan sa yumayabong at lumalagong debosyon sa Virgen de la Soledad sa buong Pilipinas. 

Para sa amin, ito ay katuparan ng isang pangarap, isang pagpapakita ng aming pagmamahal kay Maria, ang Talang Maningning na gabay sa bawat pagsubok at hamon ng buhay. Abot-langit ang aming pasasalamat sa lahat ng tumulong upang maging ganap ang pangarap naming ito. Hindi ko na maiisa-isa, ngunit alam kong ang Diyos na ang bahalang magpala sa bawat isa sa ating nagpapahayag ng pananampalataya sa kanya, at pagmamahal sa Inang Maria. Dalangin naming ang bawat dumulog at mamintuho rito ay makaranas ng maka-inang pagkalinga ni Maria, ang Birhen ng Soledad, ang Ina, Reyna at gabay ng bawat mananampalataya patungo kay Hesus.

VIVA LA VIRGEN!!!
VIVA NUESTRA SEÑORA DE LA SOLEDAD DE NAVOTAS!!!

Oktubre 2, 2021, nang ang pintang larawan ay ipinagkaloob ng Cofradia de la Virgen de la Soledad de Porta Vaga sa Jovenes de la Soledad. Sa araw ring iyon, ang pintang larawan ng Mahal na Ina ay binasbasan ni Rdo. P. Michael Reuben Cron, Kura Rektor ng Pandiyosesanong Dambana ng Mahal na Birhen ng Soledad ng Porta Vaga.

Nobyembre 7, 2021, nang ang pintang larawan ng Mahal na Ina, Nuestra Señora de la Soledad de Navotas, ay itinanghal sa kauna-unahang pagkakataon sa Parokya ng Sta. Cruz, ang magsisilbing sentro ng pamimintuho sa kanya. Siya ay tinanggap ni Rdo. P. Romy Tuazon, Kura Paroko. Sa kasalukuyan, ang pintang larawan ng Nuestra Señora de la Soledad de Navotas ay matatagpuan sa Parokya ng Sta. Cruz, Tanza, Lungsod ng Navotas.




No comments:

Post a Comment