Sunday, November 28, 2010

LIT-tie Monday: GIGZ...


(This is my first Short Story made for LIT-tie Monday. I just wrote this little story today. Sometimes, friendship is unbreakable, even death cannot break the bond that two persons have for each other. This is based on a true story, yet the characters and events given here are merely fictional. )

This one is for God's gift to me, Gigz, my best friend,
and for Gigz (+), his old best friend.



GIGZ...

Totoo ba itong sandaling ito?

Ito ang tanong na umiikot sa aking diwa ngayon. Nakatayo ako ngayon sa harap ng aking kaibigan na pinakamamahal. Tinitignan ko ang kanyang maamong mukha. Halatang pagod na pagod na siya, pero pilit pa rin siyang lumalaban. Alam kong nais pa niyang magpatuloy, ngunit may pumipigil sa kanya. Ako man, kahit na nais ko siyang tulungan, ay walang magawa.

Alam kong dumating na naman ang puntong ako ay magpapaalam sa isang tao. Isang kaibigan. Ngunit bakit ganito? Kahit ang isipin ito ay napakahirap para sa akin! Napakahirap! Sapagkat siya ay aking matalik na kaibigan, ang aking best friend...

... siya si Randy, subalit mas kilala ko siya sa palayaw na Gigz.

At alam kong kukunin na siya sa ilang sandali dahil sa sakit niyang Leukemia.

===+===


Naaalala ko pa noong nasa Grade School pa ako. Ang tawag nila sa akin noon ay "Silent Jessie" kasi napakatahimik ko noon sa klase. Hindi ako iyung tulad ng mga kaklase ko na napakagulo. Takbo dito, habol doon. Sinanay kasi ako ng aking mga magulang ma manatili lang sa isang lugar, at huwag malikot, lalo na pag nasa klase ako at pag may bisita sa bahay. Dahil doon, halos wala rin akong kaibigan. Ewan ko kung bakit. Siguro ay dahil nga sobra kong tahimik.

Isang araw, tapos na ang klase at uwian na. Kami ang grupong nakatokang maglinis ng classroom. Dahil doon, ang nakasanayang kong uwi ng 12:00 ng tanghali ay naging 12:30. Naabutan ko pa nga ang panghapong klase na papasok na sa classroom namin. Dahil paparating na sila, ay naisipan ko nang lumabas upang umuwi.

Hindi ko alam kung ano ang pumasok sa kukorte ko at doon ako dumaan sa Gate II ng eskwelahan, dahil usually, doon ako dumadaan sa Gate I sapagkat mas malapit iyun sa classroom namin. Nang papalabas na ako, may nakita akong grupo ng mga batang lalaki. Sa itsura nila, kapuna-punang nasa Grade 6 na sila. May pinagti-tripan silang bata, siguro Grade 3 lang din tulad ko, pero baka nasa lower section siya.

Sa paglapit ko, ay ito ang mga narinig kong usapan nila.

"Oii, bata! Akin na ang baon mo."

"Ayoko! Bigay ito sa akin ni Mama! Pagagalitan ako nun."

"Ay! Mama's boy! Kawawa ka naman... Ayyy!!!"

At nagsikantahan silang lahat ng "Mama's boy! Mama's boy!" habang yung batang iyon ay umiiyak na sa sobrang pagkapahiya.

Sa wakas, ay sumigaw siya ng ubod-lakas, "Hindi ako mama's boy! Tigilan ninyo na ako!?!"

"Ah ganun, papalag ka, ah? Papalag ka?"

Hindi ko na napigilan ang sarili ko. Lumapit na ako at hinarap ang malaking lalaking nanunukso sa bata.

"Hoy! Kuya! Ano ba iyang ginagawa mo? Hindi ka na ba makakita ng makakatapat mo sa Grade 6, kaya pati bata ay pinagtitripan mo? Tigilan mo nga ito, kundi isusumbong kita kay Ma'am Avanzado!"

"Ah, ganun!?! Eto ka..."

Susuntukin na niya sana ako nang biglang tumunog ang bell. Pasukan na nila. Wala na silang nagawa kundi iwanan kami, ngunit may banta siyang iniwan.

"Tandaan mo ito, bata! Huwag kang magpapakita sa akin sa susunod, kundi bubugbugin talaga kita! Naiintindihan mo?"

"Sige, kung kaya mo!" Sabi ko, na nakataas ang kilay. Matagal ko ring tinignan ang direksyon na tinahak niya, baka kasi bumalik pa.

Nang hindi ko na siya natanaw, ay bumaling naman ako ng tingin sa batang aking dinipensahan. Halatang takot pa rin siya, pero bakas na ang kaligayahan sa mukha niya pagkatapos ng mga naganap.

"Salamat, kuya, ah! Kung di dahil sa'yo, siguro, binugbog na rin ako ng mamang iyun."

"Ayos lang iyun. Wag kang mag-alala, pag may bata ang umaway sa iyo, tawagin mo lang ako, lalabanan ko sila!"

"Salamat kuya!"

"Nga pala, Ako si Jessie. Ikaw, ano ang pangalan mo?"

"Ako si Randy."

"Masaya akong nakilala kita, Randy. Mula ngayon, tayo ay magiging magkaibigan na! Tara, ililibre kita ng lugaw!"

===+===

Sa kuwentuhan namin sa lugawan, nakilala ko pa ng lubusan si Randy. Ang mommy daw niya ay isang accountant, at engineer naman ang daddy niya. Pangatlo daw siya sa anim na magkakapatid. Lahat daw sila ay lalaki. Hindi naman daw sila nagkukulang sa mga pangangailangan, kasi sapat naman daw ang suweldo ng kanyang mga magulang. Sabi pa nga niya, sila daw ang "The Best" na magulang sa buong mundo.

Hindi naman siya kagalingan sa pag-aaral, ngunit hindi ibig sabihin na bobo siya. Tama nga ang hinala kong nasa lower section siya, kasi kung ako ay Section 2, siya naman ay Section 3! Mababa nga...

Magaling din daw siyang kumanta. Sa totoo lang, sinampolan niya ako ng favorite niyang song na "Release me" ni Engelbert Humperdinck. Tinuro daw iyun sa kanya ng Nanay niya. Iyun din ang unang kanta na natutunan niya. At tama nga siya sa sinabi niyang magaling siyang kumanta. Sa totoo lang, nang binanatan niya yung ilang line ng "Release Me," lahat ng mga kumakain sa lugawan ay napatingin sa kanya at nagpalakpakan!

Kaso ang isa pa niyang katangian ay ang katakawan niya. In fact, noong nagkukuwento siya, ay may laman pa ang bibig niya. Hindi ko nga namalayan, tapos na pala siyang kumain! Nakapakulit pa niya noon. Pero hindi iyun yung kakulitan na nakakainis, kundi kakulitan na parang naglalambing.

Nang natapos na siyang magkuwento, ay nagkaroon ako ng pagkakataong magsalita.

"Alam mo, Randy, feeling ko ay magkakasundo tayo."

"Ako rin, eh! Sana, walang iwanan ah!"

"Oo naman! Mula ngayon, ikaw na ang best friend ko!"

At doon sa lugawan na iyon nag-umpisa ang pagkakaibigan namin ni Randy. Hindi ko nga alam kung ano ba ang meron siya kaya nagtagal ang aming samahan. Ewan ko.

Simula noon, ay narinig na rin sa classroom ang ingay na nagmumula sa akin. Siyempre, lagi naman akong sumasagot sa recitation at gumagawa ng assignment at project. Ang ingay na tinutukoy ko ay iyung ingay kapag recess o uwian na.

Bakit? Kasi lagi na kaming magkasama ni Randy. Madalas kaming share ng baon. Madalas kaming sabay umuwi. Talagang pinangatawanan namin ang pagiging best friend. Masaya ako kapag kasama ko siya, at masaya rin siya na kasama ako. Talagang "perfect match" kami kung maituturing noong bata kami. Kaso nga lang, pareho kaming lalaki.

===+===

High School na kami nang mag-umpisa ang tawagan naming Gigz. Uso na noon ang mga cellphone. Minsan, dahil nga napakahaba pag isusulat namin ang mga pangalan namin doon (baka nga kami ang pinagsimulan ng mga Jejemon eh!), ay naisipan naming magkaroon ng call name. Doon nagsimula ang tawagan namin. Bukod sa kakaiba, parang nandun ang bond namin bilang magkaibigan.

Sa High School rin namin naranasan ang pinakamatindi naming away, at iyun ay dahil sa isang babae. Nagkataon kasing nililigawan ko ang crush kong si Izzy. Hindi ko alam na crush rin pala siya ni Randy. Hinarap ko siya isang hapon. Pinuntahan ko siya sa bahay nila at kinumpronta.

"Gigz! Ano ba naman? Oo, nagkakasundo tayo sa halos lahat ng bagay, pero pare! Pati babae ay pareho nating papatusin? Wag namang ganun!"

"Bakit ba? Eh minamahal ko rin siya! Wag mo nga akong wag mo nga akong pakialaman sa mga nais kong gawin!"

"Ah, ganyanan naman pala, eh! Sige, kalimutan na rin natin pati pagkakaibigan natin! Nang dahil sa babae, kaya mong sirain ang pagkakaibigan natin ng ilang taon? Tama na! Nagkakalokohan lang tayo!"

At lumabas ako ng bahay nila, umiiyak dahil sa nasayang na samahan. Hindi pa ako nakakalayo nang may sumisigaw sa pangalan ko.

"Jeee---siiieee!!!"

Napalingon ako at nakita ko si Randy, tumatakbo papunta sa kinatatayuan ko. Hindi ko na namalayan ang mga nangyari, dahil na lumapit na siya at niyakap ko siya ng mahigpit. Pareho kaming umiiyak. Isa itong katunayan. Mas mahalaga pa sa amin ang samahan namin bilang mag-best friend, kesa sa kung anumang mga bagay.

"Gigz naman!" Si Randy. "Mas mahalaga pa ba sa akin si Izzy? Pare! Babae lang iyun! Wag nating pag-awayan!"

"Naku! Ewan ko sa iyo!" Halatang inis pa rin ako sa kanya, kahit na tumutulo na ang luha ko.

"Gigz naman..." Sabay kiliti sa may tiyan ko. "Oii, tatawa na iyan!"

"Tama na nga! Oo, sige na! Pero ipangako natin na titigilan na natin si Izzy. Hindi siya ang makakasira sa friendship natin!"

"Oo, tama iyun! Si Izzy man, o ibang babae man ang dumaan, hindi sila makakasira sa pagkakaibigan natin!"

"Promise, Gigz?"

"Promise!"

===+===

Pero dito pumasok ang kasabihang Huwag magsalita ng patapos, dahil baka hindi magkatotoo. Bakit? Dahil ilang buwan lang makalipas noon, ay nag-umpisa na ang dahan-dahan niyang pamamaalam sa akin.

Birthday ko, August 2007. Niregaluhan ako ni Daddy ng Gitara.

"O, eto, anak. Happy birthday sa iyo! Magpaturo ka na lang kay Randy ng paggitara. Di ba, magaling tumugtog iyun ng gitara?"

"Salamat po, Dad! Yun nga po, eh. Ang tagal-tagal naman niya. Dapat kanina pa siya nandito, eh. Huwag niyang sabihing nalimutan na niya na birthday ko ngayon."

"Hintayin mo lang. Baka may inasikaso pa iyun. Darating iyun."

Pero lumipas ang Birthday ko, at dumaan pa ang mga araw, ay walang Randy ang nagpakita sa akin. Hindi ko alam ang mararamdaman ko, kung inis ba, galit ba, o kung ano. Ewan ko. Isa lang ang sigurado. Kapag nagkita kami, ay sasapukin ko talaga siya. Nakalimutan niya ang Birthday ng best friend niya? Hindi dapat ganun!

Pero ang inis ko ay napalitan ng pagkabigla nang may tumawag sa bahay, at ako ang hinanap.

"Jessie, si Mommy Tina ito. Alam kong mabibigla ka, pero sana intindihin mo ang bawat salita, ah."

Sa boses niya, alam kong umiiyak si Mommy Tina. Kinabahan ako. Parang may masamang nangyari kay Gigz. Wag naman sana...

... pero sa susunod na mga narinig ko, ay tumama nga ang hinala ko.

"Jessie, si Randy, nasa ospital. May sakit na pala siya, hindi pa siya nagsasalita."

"Ano po? Bakit? Anung sakit iyon?"

"Wag kang magugulat, ah. Kasi, may Leukemia si Jessie. Nalaman na lang namin noong bigla siyang hinimatay sa school. Tinakbo siya dito sa ospital, in-examine siya at yun nga ang lumabas."

"Paano pong Leukemia?"

"Stage 4. No hopes."

Hindi tulad ng nasabi ni Mommy Tina, nabagsak ko ang handset ng phone namin, at nagsimulang tumulo ang aking mga luha. Speechless ako noon. Hinde. May nasabi akong salita.

"... Bakit?"

===+===

Dumating ako sa ospital, nagdarasal na sana ay hindi talaga totoo ang lahat. Pero totoo nga ito, at mas matindi pa sa naisip ko.

Nakita ko si Gigz, pilit na lumalaban sa blood transfusion na pinagdadaanan niya nung mga sandaling iyon. Narinig ko ang kanyang malakas na sigaw na tanda ng sakit. Wala akong nagawa noon. Parang wala siyang kalaban-laban. Wala nga talaga. Wala.

Hindi ko nakayanan ang aking mga nakikita, kaya ako'y lumabas at pumunta sa chapel ng ospital. Kinausap ko ang Panginoon noong mga sandaling iyun.

"Diyos ko! Noong pinadala mo sa akin si Jessie, siya ay kinakawawa ng mga batang iyon. May nagawa ako noon at nakilala ko siya ng malaliman. Ngayon, binigyan mo siya ng isang matinding sakit. Sa nararamdaman niyang hirap, ako ay walang magawa!

"Lord! Hindi ako magrereklamo sa iyo kung bakit niya dinadanas ito. Kung kalooban mong pagdaanan ni Gigz ito, sige, tatanggapin ko. Pero Lord! Isa lang po ang kahilingan ko. Kung kukunin mo siya sa akin, sana po may ipalit ka na pupuno sa kanyang magiging kakulangan sa buhay ko. Hindi ko po alam kung kailan siya darating, pero sana po, Panginoon, dinggin mo ang panalangin ko.

"Bigyan mona po ng kapayapaan si Jessie. mahal ko po siya, pero ipinapaubaya ko na po siya sa iyo. Ikaw na po ang bahala..."

Sa pagbalik ko sa Kuwarto, ay nakita kong gising si Gigz. Hirap na hirap na, ngunit pilit na kinakaya ang pagsubok na ito.

"O, Gigz! Kamusta ka na? Kaya ,mo pa ba?

"Hindi na nga, eh! Nag-aantay na nga lang ako ng oras ko."

Sa sandaling iyun, hindi ko napigilang mapaiyak sa kanyang dinadanas. Napansin niya iyun at pilit niya akong inabot para batukan.

"Loko ka! Bakit mo ako iniiyakan?"

"Bakit? Anong masama na iyakan ka?

"Ay naku! Loko ka talaga! Akala mo naman talaga kung ano ang mangyayaring masama! Hoy! Mamamatay lang ako! Ano ang tingin mo sa akin?"

Aba! Mamamatay na nga, nakayanan pang magbiro!?!

Binatukan ko rin siya, habang patuloy na tumutulo ang luha ko.

"Bakit?"

"Loko ka rin, eh! Alam mo na ngang mamamatay ka na. Ano ang gusto mong gawin ko? Matuwa? Magpa-party?"

Sa puntong iyun, ay pilit siyang tumayo sa higaan upang yakapin ako. Hindi ko na talaga napigilang umiyak.

"Huwag kang mag-alala. Mawala man ako, may papalit rin sa akin. Gigz, basta ipangako mo lang na hindi mo ako kakalimutan ah."

"Oo naman, Gigz! Ikaw pa? Best friend kita eh!?"

At dahil gabi na, pinalipas ko na ang oras dun sa ospital. Naubos ang oras namin sa kuwentuhan. Binalikan namin ang masarap naming samahan. Napakasarap, parang feeling ko ay hindi na mauulit iyon.

Kinabukasan, nauna pa akong nagising sa kanya, pero pakiramdam ko ay may kakaiba sa sandaling iyun. Tinignan ko si Gigz, siya ay napaka-pusyaw na. Malamig na sa pakiramdam. Ang alam ko, patay na ang mga taong ganoon.

"O, hindi..."

Ginising ko siya, ngunit hindi na siya sumasagot. Tumawag na ako ng doktor upang tumulong pero sa kanya nagmula ang marahil ay pinakamasakit na salitang narinig ko tungkol sa best friend ko.

"Sorry sir..."

'HINDDDEEE!!!!!! GIIIIGZZZZZ!!!!"

At muli ay tumulo ang luha ko sa pagpanaw ni Randy.

===+===

Sa tingin ko, iyun na nga ang masakit na bahagi ng buhay ko. Ang iwan ka ng taong minahal mo ng lubos at tinuring mong best friend. Ganoon palang kasakit.

Kung ako ang tatanungin, pilit pa rin akonng nakikipaglaban sa agos ng buhay para makapag-move on sa masakit na puntong iyun ng buhay ko. Pero kung may ipagpapasalamat ako, iyun ay ang biyaya ng pagkakaroon ng isang best friend na tulad niya. Talagang walang makakapantay sa kanya. Sana, ay bigyan ng Panginoon ng kapayapaan ang kaluluwa niya.

Kung may makakabasa man ng aking kuwento, sana ay maunawaan ninyo na ganoon talagang kalaki ang pagmamahal at pagkilala ko kay Gigz bilang isang tunay at matalik na kaibigan. Kahit na ang kamatayan ay hindi makakasira sa pagkakaibigan na nagbubuklod sa aming dalawa.

I love you, Gigz!

BïtZëëlöG_112910

1 comment:

  1. thanks for this story. :D
    i know he's in peace now.

    ReplyDelete